Thursday, April 5, 2007

Ang Lipunan at Sistema ng Edukasyon sa Pilipinas


“Ang edukasyon ay laging nagsisilbi sa isang pampulitikang hangarin, isang estabilisadong pampulitikang kaayusan, isang partikular na interes ng uri (sa lipunan).”
(malayang salin) mula sa Pedagogy of the Oppressed ni Paulo Freire.

Ang Lipunan at Sistema ng Edukasyon sa Pilipinas

Ang institusyon ng edukasyon, tulad ng iba pang organo ng kultura ay nagsisilbi sa pagmintina ng kasalukuyang kaayusan ng anumang lipunan.

Ang silbi nito ay pagtuturo sa mga susunod na henerasyon ng mga kasanayan at kaalaman, mga paniniwala at pagpapahalaga (values), maging pandaigdigang pananaw na siyang susuhay sa pampulitikang kaayusan. Malinaw na repleksyon lamang ng katangian panlipunang kanyang ginagalawan ang umiiral na sistema ng edukasyon at hindi ito maaaring umiral ng hiwalay dito.

Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay sa ganitong balangkas din umiiral.

Noon at ngayon ang mga patakaran at programa sa edukasyon ay nagtitiyakna ang edukasyon sa Pilipinas ay magsisilbing prinsipal na instrumento sa pagpapanatili ng dayuhang paghahari sa bansa at hindi nakatuon sa mga batayang pangangailangan ng lipunang Pilipino.

Tandaan natin na tatlong daang taon tayong nasa kumbento (Spanish Colonial Rule) at 50 taon sa Hollywood (American Colonial Rule) at maging sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng paghahari ng Imperyalistang Estados Unidos (EU).

Huwad ang ating kalayaan at tayo pa rin ay isang bagong-tipong kolonya; nakatali sa pamamagitan ng mga polisiya at programang pumapabor sa EU na pinapatupad ng naghaharing uri.

Ang neo-kolonyal at mala-pyudal na katangian ng lipunang Pilipino ang siyang pinanatili ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Nagagawang ipatanggap sa mamamayang Pilipino ang pananatiling atrasado, non-industriyal ng ekonomiya habang may maliit na seksyon ng elitista ang nakikinabang sa kutsabahan sa Imperyalistang EU na ang kahulugan at pagdarambong sa likas na yaman ng bansa kasabay ng pagiging palengke nito at pinagkukunan ng murang lakas paggawa.

Ang ganitong sistema ng edukasyon ang siyang sumisira sa buhay at kinabukasan ng kabataan at mamamayang Pilipino. Hindi mapakinabangan ang lakas at talino ng mamamayan sa ganitong kairalan. Kaya’t sinasabi nating may krisis ang sistema ng edukasyon at ito’y lalo lamang lumalim at tumitindi sa pagdaan ng panahon.


Ang Krisis ng Sistema ng Edukasyon sa Pilipinas

Bilang Komersyalisado

Kahit saan ka mag-aral, pribado man o sa mga pampublikong pamantasan, napakamahal na kalakal ang edukasyon.

Sa madaling salita, ang edukasyon sa Pilipinas ay para lamang sa may kakayahang magbayad: isang komoditi (commodity). Kumakalam ang sikmura ng pamilyang Pilipino sa pagtitipid, mapag-aral lang ang anak.

Batay sa 2002 UN Human Development Indicators, napakataas ng ating literacy rate (tantos ng marunong bumasa at sumulat): 95.3% at umaabot 82% ang pinagsamang enrollment ratio mula primary hanggang tertiary.

Sa kabila ng mga datos na ito nananatiling mababa ang kalidad ng edukasyon sa kabuuan. Nanatiling napakaliit ng ginagastos ng gobyerno sa edukasyon, halos P 20/day lamang estudyante kumpara sa iba pang bansa sa Asya.

Ayon sa National Statistics Office (NSO SY2003-2004) ang bawat pamilyang Pilipino ay gumagastos ng P6,844/estudyante sa buwan pa lamang ng May-June kung saan ay panahon lamang ng pagbubukas ng klase. Tinatayang ang pamilyang Pilipino sa buong bansa ay gumagastos ng P76.1B para sa edukasyon kung saan ang 2/3 nito na 53.4B ay napupunta lamang sa pambayad ng nagtataasang tuition fee.

Malayo na sa pagiging batayang karapatan ng lahat ng kabataang Pilipino ang tinungo ng edukasyon. Nag dudumilat ang mga kasalukuyang datos at statistics na nagpapakita ng mulat na pagsisikap ng estado na iabandona ang responsibilidad nito sa edukasyon.

Mula ng maisabatas ang Education Act of 1982 ay walang prenong magsi-pagtaas ng matrikula ang mga kapitalistang edukador. Sa nakalipas na pitong taon (1997-2003) ay pumapatak sa 14% ang TFI sa karaniwan para sa mga pribadong paaralan.

Sa mga SCU’s at public schools naman ay patuloy ang budget cut sa subsidyong dapat sanang binibigay ng gobyerno bilang suporta sa kanila. Ang budget cut/taon ay pumapatak sa 10-30%.

Sa hanay ng elementarya ay mas malaking bilang ang pampublikong paaralan kung saan matatagpuan ang 93% ng kabuuang nag-aaral sa elementarya. Pagpasok ng sekundaryo at tersaryong paaralan ay nadodominahan na ng pribado. 85% ng mga Higher Education Institution (HEI) ay pag-aari ng mga pribadong indibidwal at 33% naman ang sa sekundarya. Mahigit 78% ng mag-aaral sa sekundarya ang nagsisiksikan sa pampublikong paaralan.

Ang pagpapabaya ng pamahalaan sa edukasyon ay nagbibigay naman ng malaking ganansya para sa mga kapitalista bilang pamalagiang source ng dambuhalang kita.

Sa katunayan, ang big 8 sa UNIVERSITY BELT ay palagiang nasa listahan ng top 1,000 corporations sa bansa. Samantala, ang mga magulang at mag-aaral ang pumapasan ng bigat sa taun-taong pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin.

Sa patuloy na pagtindi ng komersyalisasyon sa edukasyon, lalong magiging inaccessible ito sa mayorya ng marginalized sectors. Taun-taon rin, dumarami ang mga estudyanteng nagsisipaglaglagan sa mga paaralan dahil sa kawalang kakayahan na abutin ang halaga ng edukasyong kolonyal.

Bilang Kolonyal

Mahalaga ang papel ng edukasyon sa pag-unlad ng bansa at sa paghubog nito ng pambansang kamalayan. Matingkad ang neo-kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa dalawang aspeto: sa kanyang prayoridad na kurso at kasanayan (skills) at sa paraan ng paghubog nito ng kamalayan (‘consciousness formation’).

Mula sa Education Act of 1982 ni Marcos, Education 2000 ni Ramos, Ten Point Agenda ng Philippine Commission on Education Reform (PCER) ni Estrada hanggang ngayon ay walang ibang kahulugan kundi ang patuloy na pagiging sunud-sunuran ng edukasyon sa mga imposisyon ng IMF-WB policies.

Sentrong usapin sa pagpapatupad ng mga programang ito ang pagpupuspos ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon sa buong balangkas ng pagpapatupad ng iskemang globalisasyon para maampatan ang lumalalang krisis ng imperyalismo.

Sa ilalim ng banderang ‘global competitiveness’, bibigyang prayoridad ang English, Math at Science. Ang ideya ng global competitiveness ay ang maramihang export ng cheap, docile at English-speaking labor force.

Para tiyakin ito, mag-iimport tayo ng mga dayuhang guro para sa English, Math at Science – Peace Corps Volunteers the second coming of the Thomasites).

Hindi nilalayon ng pokus sa Science, Math at Computer Education ang pagkakaroon ng maraming Pilipinong Scientists na maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng ekonomya ng bansa. Hindi nito layuning gawing accessible ang mga makabagong impormasyon at teknolohiya sa masang mag-aaral o kaya’y paunlarin ang istandard ng edukasyon.

Ang pokus sa syensya ay sapat lamang upang matutunan ang pag-oopereyt ng mga makinarya at teknolohiya ng mga MNC’s; ang lumikha ng computer literate na lakas-paggawa at magsanay ng ilang potensyal sa larangang ito para pa rin sa kahingian ng mga dayuhang korporasyon.

Ang values formation sa pamamagitan ng WB-IMF sponsored/funded textbooks ay nagpapatingkad ng kaisipang kolonyal at pagiging maamo at masunurin (subservience).

Pinalalalim ang mga kaisipan, gawi at aktitud na susuhay at magbibigay-katwiran sa mapagsamantala at mapang-aping kairalan.

Bilang Pyudal at Reprisibo

Sinusuhayan ng kasalukuyang mga tunguhin sa edukasyon ang pagpapanatili ng mga pyudal na kaisipan at gawi.

Mahalaga ang mga ganitong kaisipan lalo na dahil ang pwesto ng Pilipino sa buong iskema ng globalisasyon ay bilang maamo at murang lakas paggawa para sa mga dambuhalang dayuhang korporasyon ng monopolyo kapitalista.

Ang pyudal na oryentasyon ng edukasyon ay maiuugat sa realidad na ang iilang makapangyarihan sa lipunan na siyang namamayani sa pulitika at ekonomiya ng bansa na siya ring nasusunod sa usapin ng edukasyon: paano ang alokasyon ng pondo sa edukasyon, mga benepisyo at oportunidad, pagpapagawa ng mga instructural materials tulad ng textbooks, mga curriculum sa lahat ng antas at maging regulasyon ng mga pribado at pampublikong paaralan.

Tulad ng nabanggit, umaabot ang sagarang elitistang kontrol na ito sa paraan kung paano natututo ang bata o anu-anong mga kaalaman (knowledge) ang nararapat nitong makuha na siyang susuhay sa pagmimintina ng kasalukuyang kairalan.

Pwersado ang mga guro, estudyante at maging mga magulang na sumunod sa ganitong kairalan mula sa nakatataas. Hindi sulong kundi isang atrasadong pagtingin na pasibo, di-kritikal at patalistiko ang mahuhubog sa mamamayan.

Kasabay nito ay pagpapairal ng mga represibong batas at patakaran, pinahihigpit ang kultura ng takot at pagsasawalang kibo. Bigyang pansin na mahigit dalawampung taon na ang nkalipas buhat ng ipatupad ang Ed. Act. Sa ganitong konteksto natin uunawain ang pamamayani ng ‘culture of apathy, individualist’ sa maraming kabataang Pilipino ngayon.

Bilang Elitista

Ang edukasyon sa ganitong balangkas ay hindi na batayang karapatan kundi prebilihiyo o karapatan lamang ng ‘privileged few’. Nagmistula na itong mahal na produkto o commodity. Batay sa statistics, sa bawat 100 mag-aaral sa elementarya, 20 lamang ang nakakapagpatuloy sa kolehiyo, at 14 lamang ang makakapagtapos.

Pangunahing dahilan dito ang pagtindi ng kahirapan at kawalang kakayahan ng mayorya na makakaangkop dito. Sa 14 na makapagtatapos sa kolehiyo, 5 lamang ang makakukuha ng trabaho at ang iba pa ay madaragdag na naman sa malaking hukbo ng lakas paggawa na walang hana-buhay.

Walang batayang pagbabagong nilikha at lilikhain ang patuloy na pagpapatupad ng Ed Act at Educ 2000.

Wala itong ibang layunin kundi ang pagsilbihin ang edukasyon bilang isang cultural machinery para patagusin ang paghahari at tiyakin an interes ng dayuhang monopolyo kapital (cultural aggression).


Tungo sa Alternatibong Edukasyon

Ang paghahangad para sa isang alternatibong sistemang pang-edukasyon ay nagsimula mas maaga pa sa dekada sisenta.

Pinatunayan na ng mga pag-aaral na ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay hindi umaangkop sa kalagayan ng bansa sa halip ay nagbibigay katwiran lamang sa kasalukuyang kaayusan neo-kolonyal at mala-pyudal.

Ang paghahangad para sa pagkakaroon ng alternatibong edukasyon kung gayon ay pagsasabuhay ng pangarap ng buong sambayanan na kamtin ang katarungan, kalayaan at tunay na demokrasya. Ang edukasyon ay kongkretong sandata upang kamtin ang pambansang hangarin.

MAKABAYANG EDUKASYON

Ang edukasyon ay nararapat na may matibay na komitment at pagkatig sa interes ng buong sambayanang Pilipino bilang isang bansa at mamamayan nito. Ito ay nangangahulugan ng pangingibabaw ng interes ng mas nakararaming mamamayan at interes ng bansa kung kaya tinututulan at nilalabanan nito ang anumang porma ng dayuhang pakikialam at pagdikta sa buhay ekonomiya, pulitika at kultura na mamamayan.

SYENTIPIKONG EDUKASYON

Ito ay ang edukasyong naglilinang ng pagkamalikhain at kritikal na pag-iisip alinsunod sa ibayong pagpapaunlad ng syensya at ng teknolohiya na magtutulak para sa pambansang industriyalisasyon.

Ang ganitong syentipikong oryentasyon ay napakahalaga upang talikdan at pabagsakin ang pyudal, mali at atrasadong paniniwala at tradisyon na pilit na isinaksak sa mamamayang Pilipino ng kolonyal na naghari sa buong bansa. Sa halip, ito ay magsisilbi para sa pagbubukas ng kaisipan sa mga tunay na kaganapan at kalagayan ng buong bansa.

PANGMASANG EDUKASYON

Ito ay edukasyong tumatangkilik sa mayorya ng mamamayang Pilipino sapagkat ito ay tumutugon batay sa aktwal na pangangailangan ng masa at kung gayon ang anupamang kaalaman na tinataglay ng bawat isa ay tiyak na magsisilbi para sa kapakinabangan ng buong bansa.


No comments: